OFW na pinabayaan ng amo sa ospital muntik 'di makauwi ng Pinas

JEDDAH, Saudi Arabia – Kamuntik pang mabulilyaso ang pag-uwi sa Pilipinas ni Aida Palmunes Gutierrez, ang overseas Filipino worker na inabandona ng kanyang amo at naratay ng halos dalawang buwan sa ospital.


Huling pasaherong sumakay sa Singapore Airlines si Gutierrez kasama ang kanyang kapatid na si Precy matapos ipitin umano ng amo nito ang kanyang pasaporte hanggang sa huling pagkakataon kamakalawa ng gabi.


Nakipagsagutan na umano at nakiusap ang ilang tauhan ng embahada ng Pilipinas sa employer ni Gutierrez upang ibinigay na nito ang pasaporte ng OFW para makabalik na sa Pilipinas at doon na ipagpatuloy ang pagpapagamot sa kanyang sakit.


Naiyak umano sa sobrang sama ng loob ang kapatid ng OFW na si Precy dahil pakiramdam nito ay pinahirapan pa rin sila ng employer ni Gutierrez hanggang sa huling sandali ng pananatili nila sa Jeddah.


Nakadagdag pa umano sa galit ng magkapatid ang ibinigay na 500 Riyal bilang “baon" nila pauwi ng Pilipinas na mistulang pag-insulto sa sinapit ng OFW.


"Nakakainsulto nagawa pa nilang magbigay pagkatapos na iniwan kami sa aming problema sa ospital," pahayag ni Precy patungkol sa mahigit P1 milyon na bayarin ng kanyang kapatid sa pananatili sa pagamutan.


Sinagot ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang bayarin sa ospital, bukod pa sa mga iniambag ng mga kapwa OFW matapos talikuran umano ng employer ni Gutierrez ang pananagutan nito.


Sinabi Welfare Officer Romeo Pablo ng OWWA na tumanggi ang employer na ibigay ang passport ng OFW dahil may diperensya umano ang mga papeles na papipirmahan kay Gutierrez.


Hindi na rin umano napigilan ng mga opisyal ng Pilipinas ang magalit sa employer dahil sa tila panggigipit nito sa OFW.


"Sinabihan ko sya na dapat pumunta sya sa office three days before man lang, bakit ‘di siya nagpakita. Tapos sinabihan ko na bakit economy lang ang sinagot nya sa (plane) ticket ni Aida hindi na nga sya sumagot sa (gastos) hospital. Ang sagot sa akin yun lang daw ang kaya nya," ayon kay Pablo.


Napilitan umano ang employer na ibigay ang passport nang makita na ang magkapatid na lang ang naiwan na pasahero at pinagtitinginan na sila ng mga tao.


Isang papauwi ring OFW na si Renato Agra ang nagmagandang-loob na umalalay sa magkapatid na Gutierrez upang may makatuwang sa pagkalinga sa may sakit na si Aida.


Bago umalis, muling pinasalamatan ni Precy ang lahat ng tumulong sa kanyang kapatid kabilang na ang mga kapwa OFWs, pamunuan ng pagamutan sa Jeddah at mga opisyal ng embahada at welfare center.


"Sa wakas nakaalis na sila. Hindi maganda ang nangyaring ito dahil sa ginawang pagpapahirap ng kanyang sponsor. Dapat itong magawan ng legal na aksyon dahil sa pamumuwersa na ginawa ng amo nya na papirmahin si Aida bago ibigay ang kanyang pasaporte" ayon kay Romualdo Exmundo.